|
||||||||
|
||
Bilang espesyal na sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, lumahok kamakalawa, Huwebes, ika-26 ng Oktubre, sa Bangkok, Thailand, si Zhang Gaoli, Pangalawang Premyer na Tsino, sa royal cremation ceremony ni dating Haring Bhumibol Adulyadej ng Thailand.
Sa panahon ng seremonya, ipinahayag ni Zhang kay Maha Vajiralongkorn, kasalukuyang Haring Thai, ang pagluluksa ng panig Tsino kay Haring Bhumibol. Ipinaabot din niya kay Vajiralongkorn ang pakikiramay ni Pangulong Xi, at paanyaya sa kanya, na dumalaw sa Tsina pagkaraan ng koronasyon.
Kahapon naman, kinatagpo sa Bangkok si Zhang, ni Pangalawang Punong Ministro Somkid Jatusripitak ng Thailand.
Binigyan ni Zhang ng mataas na pagtasa ang ibinigay na ambag ni Haring Bhumibol sa pagpapaunlad ng Thailand at pagpapasulong ng pagkakaibigang Sino-Thai. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Tsina, na magsikap, kasama ng Thailand, para palakasin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal, at pasulungin ang komprehensibo, estratehiko, kooperatibong partnership ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Somkid, na ang paglahok ni Zhang sa seremonya ng paglilibing ni Haring Bhumibol ay nagpapakita ng lubos na pagpapahalaga ng Tsina sa relasyon sa Thailand. Ipinahayag din niya ang pagbati sa matagumpay na pagdaraos ng Ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina, at pag-asang tuluy-tuloy na mapapalalim ang estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |