|
||||||||
|
||
20171116melo.mp3
|
Ekonomiya ng Pilipinas lumago sa ikatlong kwarter
LUMAGO ANG EKONOMIYA NG PILIPINAS. Ito ang masayang balita ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia (pangalawa mula sa kanan) sa isang briefing hinggil sa Third Quarter Economic Performance kaninang umaga. Kasama niya si Undersecretary Romeo Recide (dulong kaliwa), National Statistician Dr. Lisa Grace S. Bersales at Undersecretary Carlos Bernardo Abad Santos ng NEDA. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong kwarter ng taong 2017. Lumago ito ng 6.9 percent.
Sa kanyang pahayag sa idinaos na press briefing hinggil sa ekonomiya ng bansa sa ikatlong kwarter ng taon, malaki ang posibilidad na pumangalawa ang Pilipinas sa Vietnam na mayroong 7.5 percent at nakaangat sa Tsina na nagkaroon ng 6.8 percent. Nauna rin ang Pilipinas sa Indonesia na nagkaroon ng 5.1 percent growth sa kanilang Gross Domestic Product.
Naka-angat ang Pilipinas kaysa tinatayang 6.6 percent at mas mataas sa binagong pagtataya na 6.7 percent noong nakalipas na ikalawang kwarter at mas magabal sa naitalang kaunlaran noong ikatlong kwarter ng 2016.
Sa pagkakaroon ng average na 6.7 percent sa unang tatlong kwarter, umaasa sina Dr. Pernia na makakamtan ang kaunlarang mula sa 6.5 hanggang 7.5 percent GDP growth sa taong 2017.
Naganap ang kaunlaran sa matatag na exports at pag-angat ng gastos ng pamahalaan na siya ring nagpasigla sa manufacturing subsector at services sector.
Tumaas ang gastos ng mga mamamayan sa pagkakaroon ng 8.3 percent sa pag-angat ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan at dagdag na allowances para sa mga kawal at iba pang unipormadong kawani at ang pagkakaroon ng mas maraming mga guro sa Kagawaran ng Edukasyon.
Ani Secretary Pernia, nakikita na ang magtatagal na pag-unlad sa paggasta ng pamahalaan sa malawakang Build, Build, Build na higit na makikita ng madla sa mga susunod na buwan. Lalago ang public spending at magkakaroon ng construction activities ayon sa layunin ng pamahalaan na gumastos ng 5.3 percent ng GDP sa taong ito para sa mga pagawaing bayan hanggang sa makamtan ang 7.4 percent sa 2022.
Samantala, nabawasan ang gastos ng mga mamamayan at nakamtan ang 4.5 percent sa ikatlong kwarter subalit muling sisigla ito sa pagsapit ng ika-apat na kwarter sapagkat Pasko na.
Malaking bagay ding natapos na ang kaguluhan sa Marawi City at magaganap na ang reconstruction at makababalik na sa normal ang buhay ng mga mamamayan. Sisigla na rin ang ekonomiya sa Marawi City at mga kalapit-pook.
Ang services sector ang pinakamalaking naitulong sa kaunlaran sa pagkakaroon ng 7.1 percent sa ikatlong kwarter samantalang ang industry sector ay naging mas mabilis sa pagtatamo ng 7.5 percent growth.
Bumagal ang sektor ng pagsasaka at posibleng maging positibo pa ang kaunlaran nito. Nararahap nga lamang ang mga magsasaka sa posibleng pagsama ng panahon. Malaki rin ang pinsalang idinulot ng mga bagyong Paolo at Ramil.
Dito umano mangangailangan ng makabagong teknolohiya at pagpapasigla ng pautang tulad na rin ng crop insurance.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |