NANINIWALA ang Department of National Defense na napuno na at sumawa na si Pangulong Rodrigo Duterte sa magkakataliwas na sinasabi at ginagawa ng mga Komunista sa bansa.
Sa isang pahayag, bilang tugon sa direktiba ng pangulo, maglulunsad ang mga kawal ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines laban sa mga armadong grupo.
Ayon sa pahayag ng Department of National Defense, mas makabubuting sumuko na at magsalong ng mga sandata upang makabalik na sa lipunan ang mga lumahok sa mga armadong grupo.
Umabot ang mga armadong gerilya ng New People's Army sa bilang na 25,000 noong dekada otsenta subalit bumaba na ito sa may 4,000 sa buong bansa.
Samantala, sinabi ni C/Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police na kung magtatagumpay ang mga peace talk sa local level, mababawasan ang mga pagkilos ng mga armadong kabilang sa New People's Army.