|
||||||||
|
||
PINANGALANAN si Eldon Cruz, bayaw ni dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa sinasabing anomalyang nagkakahalaga ng P 8.7 bilyong road right-of-way scam.
Sa isang press conference sa De[artment of Justice, sinabi ng isang nagngangalang Roberto Catapang Jr. na madalis gamitin ang pangalan ni Eldon Cruz ng sindikatong humihiling ng kabayaran sa road right-of-way na nakalaan sa mga tunay na may-ari ng lupang ginamit sa pagtatayo ng isang national highway sa General Santos City.
Ipinakita ni Catapang ang isang liham na may lagda ni G. Cruz kay Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson na humihiling sa Department of Budget and Management na ilabas na ang kabayaran sa right-of-way.
Sinabi ni Catapang na lagda umano ni G. Cruz ang nasa liham. Isinangkot din ni Catapang na kasama noon sa sindikato, sina Secretary Singson at Budget Secretary Florencio Abad sa anomalya.
Inilabas umano ni G. Abad ang salapi na hinihiling ni G. Singson. Kabilang na ang dalawang dating opisyal ng pamahalaan sa lookout bulletin order ng Department of Justice.
Sa panig ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, isasama ang pangalan ni G. Cruz sa talaan na ipagsusumbong sa oras na mapatunayang lagda nga ng bayaw ni dating Pangulong Aquino ang nasa liham.
Idinagdag pa ng kalihim na ang sindikato ay maglalabas ng mga palsipikadong titulo ng lupa sa ngalan ng mga 'di totoong tao at makasisingil sa road right-of-way gamit ang mga huwad na dokumento.
Naproseso na umano ng sindikato ang may 300 road-right-of-way claims na nagkakahalaga ng P 29 milyon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |