MAY bantang nagmumula sa mga teroristang Muslim at mga komunista kaya kailangang patagalin pa ang martial law sa Mindanao.
Napapaloob sa kanyang liham kay Senate President Aquilino Pimentel III at Speaker Pantaleon Alvarez, sinabi ni G. Duterte na inirekomenda ni martial law administrator Defense Secretary Delfin Lorenzana na magkaroon ng isang taong extension ng Martial Law upang matiyak na mawawala ang Da'awatul Islamiyah Maliyatul Masriq at mga komunista at mga nagkakanlong sa kanila kasama na ng mga nagbibigay ng salapi.
Nais ni Pangulong Duterte na magtagal ang martial law hanggang sa ika-31 ng Disymebre ng 2018. Sandigan ng kanyang liham ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines na sinuportahan ng Philippine National Police.
Kasunod ito ng balitang nangangalap pa rin ng mga tauhan ang mga teroristang Muslim sa Maguindanao, North Cotabado at maging sa Sulu at Basilan upang makapagtatag ng Islamic State sa Timog Silangang Asia.
Napapaloob din sa liham ang mga ginawang pananalakay ng mga kabilang sa New People's Army sa Mindanao.