Kunming, kabisera ng Yunnan—Nilabas Miyerkules, Disyembre 13, 2017 ng Yunnan University ng Tsina ang Bluepaper hinggil sa Lancang-Mekong Cooperation (LMC) para sa taong 2017.
Nilagom ng bluepaper ang hinggil sa pag-unlad ng mekanismo ng LMC sapul nang itatag ito noong Marso, 2016. Anito, natamo ang mga bunga sa tatlong "pillar" na kinabibilangan ng seguridad na pampulitika, ekonomiko at sustenableng pag-unlad, at pag-unlad na panlipunan at people-to-people exchanges. Nagkaroon din ang mekanismo ng magagandang resulta sa limang larangan ng priyoridad na gaya ng konektibidad, production capacity, transborder na kabuhayan, yamang-tubig, agrikultura, at pagpapahupa ng kahirapan.
Iminungkahi rin ng bluepaper na sa ilalim ng bagong situwasyon, maaaring pasulungin ang pag-unlad ng mekanismo ng LMC, sa pamamagitan ng magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative at pagtatatag ng "community of shared future" para sa komong kasaganaan ng mga bansa sa kahabaan ng ilog Lancang-Mekong. Iminungkahi rin nitong patuloy na pahalagahan ang paggamit at paggagalugad ng yamang-tubig ng nasabing ilog, at babalangkasin ang Lancang-Mekong Cooperation Vision 2030.
Ang LMC ay binubuo ng anim na bansa sa kahaban ng Lancang-Mekong River na kinabibilangan ng Tsina, Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand, at Vietnam. Ang Lancang ay tawag ng mga mamamayang Tsino sa itatas na bahagi ng Mekong.
Salin: Jade
Pulido: Rhio