Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

CRI, isinulong ang kooperasyon sa PTV at Radyo Pilipinas

(GMT+08:00) 2017-12-15 16:31:02       CRI

CRI Vice President Hu Bangsheng (ika-4 sa kaliwa), PCOO Undersecretary Marvin Gatpayat (ika-4 sa kanan),  PTV General Manager Dino Apolonio (ika-3 sa kanan), PBS-Radyo Pilipinas Director General Bong Aportadera (ika-2 sa kaliwa), CRI News Center Director Luo Hongbing (ika-2 sa kanan), CRI Chief Editorial Office Deputy Director Fu Ying (ika-3 sa kaliwa), CRI International Cooperation and Exchange Center Deputy Director Shao Jianguang (una sa kaliwa), at CRI Northeast and Central Asia Broadcast Center Deputy Director Wang Dandan (una sa kanan)

Dumalaw ngayong araw, Biyernes, ika-15 ng Disyembre 2017, ang delegasyon ng China Radio International (CRI), na pinamumunuan ni Vice President Hu Bangsheng, sa Broadcast Complex ng People's Television (PTV) at Radyo Pilipinas (RP), sa Quezon City.

Kinatagpo ang delegasyon ni Atty. Marvin Gatpayat, Undersecretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), kasama ng si PTV General Manager Dino Apolonio at PBS - Radyo Pilipinas Director General Bong Aportadera at ibang mga opisyales.

Sa panahon ng pagdalaw, lumagda ang dalawang panig sa dalawang kasunduan sa pagitan ng CRI at PTV, hinggil sa magkasamang paggawa ng TV documentary series na pinamagatang "Mga Pinoy sa Tsina," at kooperasyon sa proyektong "China Theater." Idinaos din ang seremonya ng pagsisimula ng magkasamang pagsasahimpapawid ng CRI at Radyo Pilipinas.

PTV4 at CRI magkasamang gagawa ng mga programang magpapalalim pa sa pag-unawa ng mga Pilipino at Tsino sa kultura ng bawat isa

PCOO Undersecretary Marvin Gatpayat, habang nagtatalumpati

Palawakin at palalimin ang pagkakaunawa ng mga Filipino at Tsino sa kultura ng bawat isa. Ito ang isa sa layunin ng pagtutulungan ng PTV 4 at ng China Radio International para sa pagbuo ng mga programa sa media.

Binigyang-diin ni PCOO Undersecretary Marvin Gatpayat na hindi na matatawaran ang matagal nang pagkakaibigan at relasyon ng Pilipinas at Tsina upang isulong ang mas marami pang magagandang programa para pag-ibayuhin ang pangangalaga sa cultural heritage ng dalawang bansa.

Umaasa ang opisyal na mas marami pang kasunduan ang mabubuo sa pagitan ng PTV4 at CRI.

Kasabay nito, mainit na pagbati ang ipinaabot ni Gatpayat sa mga opisyal ng CRI na nasa bansa ngayon para sa pagpirma ng mga kasunduan.

CRI Vice President nagpasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga Pinoy

CRI Vice President Hu Bangsheng (kanan), at PBS-Radyo Pilipinas Director General Bong Aportadera (kaliwa), sa loob ng istudyo ng RP

Nagpasalamat naman si China Radio International (CRI) Vice President Hu Bangsheng sa mainit na pagtanggap ng Pilipinas, partikular ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), PTV4 at Radyo Pilipinas sa kanilang delegasyon sa bansa.

Ayon kay Hu, ito ang kanyang unang biyahe sa Pilipinas na inilarawan nitong mainit kumpara sa malamig na Beijing.

Binigyang-diin ni Hu na mahalaga ang kooperasyon at pagkakaunawaan ng media ng dalawang bansa upang maisulong ang mas marami pang programa na makatutulong sa pag-unlad.

CRI Vice President Hu Bangsheng, habang nagtatalumpati

Inihayag ni Hu na maraming Tsino ang nais maglakbay sa Pilipinas subalit kulang sa kaalaman tulad ng biyahe, mga hotel at mga lugar na dapat bisitahin.

Sa pamamagitan aniya ng mga palabas na bubuuin ng PTV4 at CRI, mas malalaman ng mamamayan ng dalawang bansa kung ano ang mahahalagang kaalaman, partikular sa kultura ng Pilipinas at Tsina.

Madalas aniya ang mga impormasyong nakararating sa dalawang bansa ay mula lamang sa third party kaya mahalagang magkaroon ng direktang ugnayan ang media ng China at Pilipinas.

Radyo Pilipinas, humanga sa CRI 

CRI Vice President Hu Bangsheng (kanan), at PBS-Radyo Pilipinas Director General Bong Aportadera (kaliwa), sa labas ng tanggapan ng PBS

Inamin ng Radyo Pilipinas na humahanga ito sa pamamalakad ng China Radio International at pagpapaunlad nito. Ito ang naging pahayag ni PBS Radyo Pilipinas Director General Bong Aportadera matapos makipag-pulong sa CRI Delegation.

Nakakahanga aniya ang pagpapalawak ng operasyon ng CRI sa loob ng 70 taon.

Nagpasalamat din siya sa suporta ng CRI sa Radyo Pilipinas dahilan upang mas mapalawak pa nito ang operasyon sa susunod na mga panahon.

Malaki ang papel ng media sa pagpapasulong ng pag-uunawaan

CRI Vice President Hu Bangsheng (kaliwa) at PTV General Manager Dino Apolonio (kanan), habang lumalagda sa kasunduan

Samantala, binigyang diin ni PTV-4 General Manager Dino Apolonio na malaki ang papel ng media para maipaalam sa mamamayan ang mga programa para sa kaunlaran.

Ang pagkakaibigang nabuo aniya ng Pilipinas at Tsina ay dapat na alagaan at pag-ibayuhing mabuti.

Seremonya ng magkasamang pagsasahimpapawid ng Radyo Pilipinas at China Radio International

Matatandaang noong pagdalaw ni CRI President Wang Gengnian sa Pilipinas noong Pebrero ng taong ito, lumagda sa mga Memorandum of Agreement (MoA) ang CRI, PCOO, PTV, RP, at Philippine News Agency. Ang kasalukuyang mga konkretong hakbangin ay nakatuon sa pagpapatupad ng naturang mga MoA.

Sa kasalukuyan, isinasahimpapawid sa Radyo Pilipinas ang dalawang programang ginagawa ng Serbisyo Filipino ng CRI. Ang mga ito ay Mga Pinoy sa Tsina, at Dito Lang Iyan sa Tsina.

Ulat ni Dang Garcia ng DZME kasama ang ulat ni Liu Kai
Edit/Pulido: Mac Ramos/Jade
Web-edit: Liu Kai

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>