Sa National Security Strategy na isinapubliko ng Amerika, ipinahayag nitong magiging kalaban ng Amerika ang Tsina sa larangan ng kabuhayan, kalakalan, diplomasya at seguridad.
Kaugnay nito, ipinahayag Disyembre 18, 2017 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang win-win situation ay batayan ng pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika.
Aniya, noong 2016, lumampas sa 550 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng dalawang bansa, mahigit 200 bilyong dolyares ang bilateral na puhunan, at 2.6 milyong trabaho ang ibinigay sa Amerika. Noong 2015, umabot sa 36.2 bilyong dolyares ang tubo ng mga bahay-kalakal na Amerikano sa Tsina, dagdag pa niya.
Tinukoy ni Hua na patuloy na isasagawa ng Tsina ang patakaran sa pagpapabuti ng trade liberalization at facilitation. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Amerika para maitatag ang matatag at malusog na relasyong pangkabuhayan. Umaasa rin aniya siyang gaganap ng konstruktibong papel ang National Security Strategy ng Amerika para mapasulong ang kapayapaan at katatagan ng daigdig, at mapalakas ang estratehikong pagtitiwalaan ng Tsina at Amerika.