Ayon sa ulat kahapon, Linggo, ika-18 ng Pebrero 2018, ng panig opisyal ng Iran, bumagsak nang araw ring iyon ang isang eroplanong pampasahero sa gitnang bahagi ng bansang ito. Nasawi ang lahat ng 66 na katao sa eroplano, na kinabibilangan ng 60 pasahero at 6 na crew member.
Ayon pa rin sa ulat, ang naturang eroplano ay isang ATR-72 airliner na kabilang sa Aseman Airlines ng Iran. Lumipad ito mula sa Tehran, kabisera ng Iran, patungong Yasuj, lunsod sa timog kanluran ng bansa. Ang lugar na pinangyarihan ng aksidente ay kabundukan, at masama ang lagay ng panahon, noong bumagsak ang eroplano.
Salin: Liu Kai