|
||||||||
|
||
MAY 650 TAHANAN NAIBIGAY NA NG QATAR RED CRESCENT. Natapos na ng Qatari Red Crescent ang proyektong pagtatayo ng 1300 mga tahanan sa Leyte na napinsala ng bagyong "Haiyan" noong 2013. Nagpasalamat ang Philippine Red Cross at Leyte Provincial government sa tulong na ipinagkaloob. (Contributed Photo)
NAILIPAT na ng Qatari Red Crescent ang may 650 tahanan sa mga taga-Santa Fe sa layuning makabalik sa maayos na buhay ang mga biktima ng bagyong "Haiyan" na tumama sa Kabisayaan noong 2013. Nagkakahalaga ito ng US$ 2.2 milyon sa tulong na rin ng Philippine Red Cross.
Dumalo sa okasyon sina Saad Rashid Al-Muhannadi, chief executive officer ng Relief and International Development Section ng Qatar Red Crescent at mga opisyal ng Philippine Red Cross sa pamumuno ni Senador Richard Gordon.
Malugod na sinabi ni G. Al-Mohannadi na ang pagtatapos ng may 1,300 tahanan ay isang malaking bagay para sa kanilang samahan sa pakikipagtulungan sa Philippine Red Cross. Magpapatuloy ang Qatari Red Crescent sa pagtulong sa mga nangangailangang mamamayan sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Nagpasalamat naman ang gobernador ng Leyte, si Leopoldo Dominico L. Petilla sa Qatari Red Crescent at madadali na ang pagbabalik sa normal ng buhay ng mga biktima ng napakalakas na bagyo.
Nagparating din ng kanyang pasasalamat si Senador Richard Gordon sapagkat matagal nang nakatulong ang Qatari Red Crescent sa iba't ibang trahedyang tumama sa Kabisayaan at maging sa Mindanao.
Higit sa 10,000 ang nasawi at nawalan ng tahanan ang may 660,000 katao at nagbago ang buhay ng may halos sampung milyong mamamayan sa iba't ibang lalawigan at may 600 bayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |