|
||||||||
|
||
SA pagkakaroon ng botong 38 laban sa dalawa, nagkaisa ang mga kabilang sa "super majority" sa desisyong may sapat na dahilan upang sumailalim sa impeachment proceedings si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Magugunitang nag-ugat ang usapin sa reklamo ni Atty. Lorenzo "Larry" Gadon na nagsabing maraming nilabag na batas si Chief Justice Sereno. Tanging sina Quezon City 6th District Congressman Kit Belmonte at Dinagat Islands Congresswoman Kaka Bag-ao ang kumontra sa mayorya.
Madadala ang resolusyon sa plenaryo sa darating na ika-14 ng Marso. Kakailanganin ang one-third na boto mula sa 292 kasaping House of Representatives.
Ang lahat ng vice chairmen ng House Committee on Justice ang siyang gagawa ng Committee Report sa naganap na mga pagdinig at ng articles of impeachment.
Sa likod nito, sinabi ni Chief Justice Sereno na wala siyang balak magbitiw. Nahirang na punong mahistrado si Gng. Sereno kapalit ng napatalsik na Chief Justice Renato Corona na sumailalim din sa impeachment. Si noo'y Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang siyang humirang kay Chief Justice Sereno na napakabata pa kaysa mga mahistradong naglilingkod sa Korte Suprema.
Nakatakdang humarap si Chief Justice Sereno sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Asssociation of the Philippines (FOCAP) bukas ng ika-apat ng hapon sa isang malayang talakayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |