KAILANGANG daluhan ang mga pamilyang nahaharap sa krisis. Ito ang sinabi ni Legazpi Bishop Joel Z. Baylon. Hindi umano nananatili sa mga pamilya ng mga OFW ang mga usapin ng nagpapatiwakal sapagkat maaari itong maganap sa lahat ng pamilya sa bansa.
Kailangan ding gumugol ng mas matagal na panahon ang mga magulang sa kanilang mga supling lalo na't mayroong sintomas ng lubhang pangamba at pag-aaalala.
Mahalaga umanong pag-usapan ang mga isyung bumabalot sa pagpapatiwakal at nararapat makasama ang mga kabataan, mga magulang, mga pari at maging social workers.
Nanawagan din siyang magkaroon ng hotline para sa mga may krisis na dadaluhan ng mga sinanay na dalubhasa sa loob ng dalawampu't apat na oras sa buong linggo.
Ang mga barangay, mga paaralan at maging mga simbahan ay kailangang maging support groups upang maibsan ang bilang ng mga nagpapatiwakal na umaabot na sa anim araw-araw sa Pilipinas.