|
||||||||
|
||
Beijing, Tsina—Sa taong 2018, pumapasok na sa mabilis na pag-unlad ang programang pangkalawakan ng Tsina.
Ayon sa plano, sa taong ito, labing-walong (18) BeiDou-3 Satellite ang ilulunsad. Ito ang ipinahayag ni Li Hong, Puno ng China Academy of Launch Vehicle Technology sa sidelines ng idinaraos na taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina.
Sinabi naman ni Zhou Jianping, Punong Inheniyero ng Manned Space Program ng Tsina, na kasalukuyang idinedebelop ng bansa ang prototype ng space station, at ang core module nito ay nakatakdang ilunsad sa 2020.
Idinagdag pa ni Zhou na may posibilidad na ang space station ng Tsina ay magsisilbing tanging space station na nasa orbit, makaraang mag-retire ang International Space Station (ISS). Aniya pa, medium-size lamang ang ginagawang space station kumpara sa ISS, pero, makakatugon ito sa mga pangangailangang eksperimental.
Kasabay nito, inaasahang matatapos ng Tsina ang paggawa ng prototype ng 500-ton liquid engine ng heavy-lift rocket. Ito ay patatakbuhin gamit ang liquid oxygen at kerosene. Pinaplanong ilunsad ang nasabing rocket sa taong 2030. Ito ang ipinahayag ni Liu Zhirang, Puno ng No.6 Research Institute ng China Aerospace Science and Technology Corporation (CASC) sa sidelines din ng idinaraos na sesyon ng NPC.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |