SA pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, ang unang makabuluhang kasunduan ng Pamahalaan ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines, nagkaisa ang mga peace advocate sa pagsasabing ang paggalang sa Karapatang Pangtao at international humanitarian law sa Pilipinas ay mahalaga upang magkaroon ng makatarungang kapayapaan sa bansa.
Ayon sa grupo, lumalabas na ang pamahalaan ni Pangulong Duterte ay nakatuon sa paglisan sa International Criminal Court at pagdedeklara ng higit sa 600 katao bilang mga terorista sa ilalim ng Human Security Act. Nanawagan sila sa pangulo na pagtuunan ng pansin ang alituntunin ng Karapatang Pangtao at international humanitarian law.
Ang pagpapatupad ng nilalaman ng CARHPHIL ay isang magandang paraan upang isulong at ipagtanggol ang karapatang pangtao at international humanitarian law upang higit na magkaroon ng pananggalang ang mga tao sa gitna ng mga sagupaan at kaguluhan. Ipina-alala nilang lumagda ang pamahalaan ng Pilipinas at NDF sa kasunduan noong 1998.
Higit umanong titingkad ang kapayapaan at kaunlaran sa bansa sa oras na magkaroon ng paggalang ang pamahalaan sa nilalaman ng kasunduan.
Nanguna sa pagtitipon sa St. Scholastica's College kanina sina Bishop Deogracias Iniguez ng Philippine Ecumenical Peace Platform at Bishop Reuel N. O. Marigsa ng Pilgrims for Peace at iba pang mga kilalang mamamayan.