HINDI sang-ayon si Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu sa pagtatayo ng casino sa 23 ektaryang lupain sa Boracay. Sa kanyang sagot sa mga tanong ng mga mamamahayag, nabatid na sinabi ng kalihim na maraming ibang pook na mapagtatayuan ng casino. Layunin ng DENR na ibalik sa magandang kalagayan ang tanyag na dinadalaw ng mga panauhing banyaga man o maging mga Filipino.
Wala pa naman silang natatanggap na kahilingang mabigyan ng pahintulot na magtayo ng casino sa Boracay at nagulat na lamang na mabalitang may nagtatayo na ng bagong pasilidad sa pook.
Nagbabalak na umano silang linisin ang Boracay bago pa man pumutok ang isyu. Nagmula ang rekomendasyon ng pagpapasara sa DENR, Department of Interior and Local Government at maging sa Department of Tourism.
Tumanggi sina Secretary Cimatu na magpahayag hinggil sa binabalak na itayong casino sapagkat wala pang dumudulog na mga Tsinong negosyante sa kanila.