SINABI ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa Boracay. Magugunitang nababahala ang mga manggagawa sa Western Visayas sa pangambang babagsak ang bilang ng mga turista sa magandang pook dahil sa kontrobersya sa mga basurang nakararating sa karagatan.
Niliwanag ni Atty. Roque na nais ni Pangulong Duterte na ipatupad ang batas at mga regulasyon upang maipagsanggalang ang kalikasan at kasama na rin ang gagawin sa pagbaba ng bilang ng mga dadalaw sa pulo.
Ito ang kanyang pahayag matapos imungkahi ng ilang mga opisyal ng pamahalaang isara ang pulo sa loob ng dalawang buwan. Layunin ng pangulong maibalik sa malinis ng kapaligiran ang Boracay sa loob ng anim na buwan.
Nabanggit ni Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo na magkaroon ng moratorium pagsapit ng tag-ulan na karaniwang nagmumula sa buwan ng Hunyo. Wala pang desisyon ang pangulo kung magpapatupad ng moratorium.
Hinihiling ng mga manggagawa na huwag nang ipasara ang Boracay sapagkat aabot sa 19,000 na manggagawa ang maapektuhan. Suportado ang panawagang ito ng Philippine Agricultural, Commercial, Industrial Workers Union ng Trade Union Congress of the Philipppines at iba pang mga manggagawa sa Western Visayas.