|
||||||||
|
||
Idinaos kahapon, Huwebes, ika-12 ng Abril 2018, sa Beijing, ang seremonya ng pagsisimula ng 2018 Taon ng Inobasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa seremonya, ipinahayag ni Wang Zhigang, Ministro ng Siyensiya at Teknolohiya ng Tsina, na nakahanda ang kanyang bansa, kasama ng iba't ibang bansa ng ASEAN, na isagawa ang komprehensibong kooperasyong pang-inobasyon, na ang nukleo ay inobasyong pansiyensiya at panteknolohiya. Ito aniya ay bilang ambag sa pagtatatag ng "community with shared future" ng Tsina at ASEAN.
Ayon pa rin kay Wang, pinasimulan noong Setyembre 2012 ng Ministri ng Siyensiya at Teknolohiya ng Tsina ang China-ASEAN Science and Technology Partnership Program. Aniya, sa ilalim ng programang ito, naitayo na ng Tsina at mga bansang ASEAN ang mga magkasanib na laboratoryo sa antas ng estado, na gaya ng magkasanib na laboratoryo ng Tsina at Indonesya hinggil sa high-temperature gas-cooled reactor, magkasanib na sentro ng Tsina at Thailand ng pananaliksik ng rail system, magkasanib na laboratoryo ng Tsina at Kambodya hinggil sa pagkain, magkasanib na laboratoryo ng Tsina at Malaysia hinggil sa halal food, magkasanib na laboratoryo ng Tsina at Laos hinggil sa new energy at renewable energy, at magkasanib na laboratoryo ng Tsina at Myanmar hinggil sa radar at satellite communication.
Samantala, ini-sponsor din ng nabanggit na ministri ang pagpunta sa Tsina ng mahigit 50 batang siyentista ng Myanmar, Thailand, Indonesya, at Malaysia, para gumawa ng pananaliksik. Itinatayo rin ng Tsina at ASEAN ang isang service platform, para ibahagi ng Tsina sa mga bansang ASEAN ang mga data na nakalap ng mga remote sensing satellite nito.
Sa kanya namang talumpati sa seremonya, sinabi ni Koh Poh Koon, Ministro ng Estado sa Ministry of National Development ng Singapore, kasalukuyang tagapangulong bansa ng ASEAN, na malawak ang kooperasyon ng ASEAN at Tsina sa siyensiya at teknolohiya. Umaasa rin aniya siyang, sasamantalahin ang taon ng inobasyon, palalakasin ng dalawang panig ang kooperasyon sa E-commerce at smart city.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |