PUMANAW na ang mamamahayag na nag-iisang nakaligtas sa pagbagsak ng eroplano sa Cebu ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1957.
Namayapa na si Nestor Mata, isang tanyag na mamamahayag sa edad na 92 sa Cardinal Santos Memorial Medical Center. Naging kolumnista siya sa Philippine Daily Express hanggang noong 1986 at naglingkod din sa Manila Standard noong 1987. Nagbibigay pa rin siya ng kanyang mga opinyon sa Malaya hanggang kamakailan at naging punong patnugot sa Lifestyle Asia.
Naulila niya ang limang supling na sina Jan, Mike, Joy, Julia at Francis at mga apo sa pagpanaw niya kaninang pasado alas dos ng hapon.
Gagawin ang lamay sa St. Peter's Memorial sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nagtapos sa University of Santo Tomas at naging associate professor sa larangan ng political science si Ginoong Mata. Nagkaroon din ng masteral degree sa foreign affairs. Naging tagapagbalita sa pag-uusap hinggil sa Sabah at nakasaksi sa pagbuo ng Association of Southeast Asian Nations. Nagturo siya hanggang noong 1972.