HINDI na ikinagulat ng Chamber of Automobile Manufacturers of the Philippines (CAMPI) ang pagbaba ng benta ng mga sasakyan sa unang tatlong buwan ng taong 2018.
Ayon kay Atty. Rommel Gutierrez, pangulo ng CAMPI, ang epekto ng excise tax rates sa ilalim ng TRAIN law ay inaasahan na sa panahong ito. Idinagdag pa ni Atty. Gutierrez na nananalig silang gaganda ang bentahan ng mga sasakyan sa susunod na buwan.
Bumaba ang benta ng mga sasakyan mula unang araw ng Enero hanggang huling araw ng Marso ng may 8.5 porsiyento. Noong nakalipas na taon, nabili ang may 94,026 sasakyan samantalang ngayong 2018 ay umabot lamang sa 86,037 mga sasakyan ang naipagbili.
Pinakamalaking kabawasan ang napuna sa light trucks na nabawasan ng 39.2% samantalang pumangalawa naman ang Asian Utility Vehicle na nabawasan ng 18.7%. Nabawasan ng may 9.5% ang mga commercial vehicle sa unang tatlong buwan ng taon.