|
||||||||
|
||
Kahapon madaling araw, Abril 14 (local time), 2018, magkakasanib na inilunsad ng Amerika, Britanya, at Pransya ang air raid laban sa maraming target sa pamahalaan at panig militar ng Syria. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa tiyak ang kalagayan ng human casualty at kapinsalaan sa mga instalasyon. Mahigpit na sinusubaybayan ng komunidad ng daigdig ang pangyayaring ito. Sinusuportahan ng ilang bansa ang pagsasagawa ng atakeng militar ng tatlong bansa sa Syria, ngunit hinihimok naman ng United Nations (UN) at nakakaraming bansa ang mga kaukulang panig na magtimpi at hanapin ang kalutasang pulitikal sa paglutas sa isyu ng Syria.
Ipinahayag ni US President Donald Trump ang kahandaan ng Amerika na magsagawa ng tuluy-tuloy na atake hanggang itigil ng pamahalaan ng Syria ang paggamit ng mga sandatang kemikal.
Ayon sa isang pahayag na inilabas nitong Sabado ng Ministring Panlabas ng Syria, mahigpit nitong kinokondena ang paglulunsad ng air raid ng nasabing tatlong bansa sa Syria. Anito, ang nasabing atake ay muling nagpapakita ng pagwawalang-bahala ng tatlong bansa sa pandaigdigang batas. Anito pa, pasisidhiin ng atake ang maigting na situwasyong pandaigdig. Samantala, hinimok din ng Syria ang komunidad ng daigdig na kondenahin ang nasabing atake ng tatlong bansa.
Sa isang pahayag, sinabi naman nitong Biyernes ng gabi, Abril 13, ni Pangkalahatang Kalihim António Guterres ng UN na mahigpit niyang sinusubaybayan ang magkakasanib na aksyong militar ng tatlong bansa. Hinimok din niya ang mga kasapi ng UN Security Council na magkaisa at tupdin ang kanilang responsibilidad sa pangangalaga sa kapayapaan at kaligtasang pandaigdig.
Ayon sa isang tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, hinihimok ng panig Tsino ang mga may kinalamang panig na bumalik sa balangkas ng pandaigdigang batas upang malutas ang isyu sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |