Sinabi ngayong araw, Sabado, ika-14 ng Abril 2018, ni Alexander Sherin, Pangalawang Puno ng Komite ng Depensa ng State Duma, mababang kapulungan ng parliamento ng Rusya, na ang pag-atake ng Amerika, Britanya, at Pransya sa Syria, ay lumalabag sa lahat ng mga norma ng pandaigdig na batas. Ito aniya ay di-naipatalastas na digmaan laban sa isang soberanong bansa.
Hiniling din ni Sherin sa United Nations Security Council, na agarang idaos ang pangkagipitang pulong, para talakayin ang pangyayaring ito. Dagdag niya, pinagpawalang-bisa nito ang lahat ng pagsisikap na ginawa ng komunidad ng daigdig para mamagitan sa isyu ng Syria.
Sinabi naman ni Maria Zakharova, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Rusya, na sa panahong itong malapit ang Syria sa pagpapanumbalik ng kapayapaan, inilunsad ng Amerika, Britanya, at Pransya ang pag-atake sa bansang ito, at ang aksyong ito ay pambihira sa kasaysayan ng daigdig.
Salin: Liu Kai