|
||||||||
|
||
NAGKAKAHALAGA ng US$ 2.5 bilyon ang naipadalang salapi ng mga Filipino mula sa iba't ibang bansa noong nakalipas na Pebrero at mas mataas ito ng may 5.4 porsiyento sa naipadala noong Pebrero ng taong 2017.
Ito ang sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor A. Espenilla, Jr. Sa unang dalawang buwan ng taong 2018, umabot na sa US$ 5.2 bilyon ang ipinadalang salapi sa Pilipinas at kinakitaan ng dagdag na 8.1 porsiyento.
Ang mga land-based na manggagawa na may kontratang isang taon o higit pa ay nakapagpadala ng US$ 4.0 bilyon na nagtamo ng 6.5 porsiyentong paglago. Ang sea-based at land-based workers na may kontratang walang isang taon ay nagpadala ng may US$ 1 bilyon at nagtamo ng 9.7 porsiyentong kaunlaran.
Ang salaping idinaan sa mga bangko ay umabot ng US$ 2.3 bilyon at mas mataa sa ng 4.5% kaysa noong nakalipas na 2017. Sa unang dalawang buwan ng 2018, ang cash remittances ay umabot sa US$ 4.6 bilyon at nagkaroon ng dagdag na 7.1% kaysa US$4.3 bilyon noong nakalipas na 2017.
Ang mga padalang salapi mula sa America, United Arab Emirates, Germany at Malaysia ang nagpalaki sa kaunlarang nakamtan noong Pebrero. Ang mga padalang salapi mula sa America at UAE at nakadagdag ng 1.2 percentage points sa 4.5 percent na pangkalahatang kaunlaran. Samantala, ang cash remittances mula sa Germany at Malaysia ay nakadagdag ng 1.0 percentage point sa buong cash remittances.
Ang karamihan ng salaping nakarating sa Pilipinas sa unang dalawang buwan ng 2018 ay nagmula sa Estados Unidos, United Arab Emirates, Saudi Arabia, Singapore, Japan, United Kingdom, Qatar, Germany, Hong Kong at Canada. Ang pinagsama-samang halaga ay umabot sa halos 80% ng buong cash remittances.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |