|
||||||||
|
||
SA 'di maiiwasang pagpapasara ng Boracay, nagsama-sama ang mga travel organizer at tourist-oriented establishment upang huwag ng maulit sa iba't ibang bahagi ng bansa ang naganap sa magandang pook.
Naghanda ang pribadong sektor ng 4,000 iba't ibang uri hanapbuhay sa mga mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng Boracay sa darating na Huwebes.
Ang grupong One Boracay na kinabibilangan ng Tourism Congress of the Philippines, Philippine Travel Agencies Association at Hotel Sales and Marketing Association at mga stakeholder sa Boracay ay nakikipag-ugnayan na sa iba pang kinikilalang tourist destination sa bansa,
Ayon kay Jose Clemente III ng Tourism Congress of the Philippines, magkakaroon ng iba't ibang grupo sa mga pook na sinusuri ng pamahalaan at posibleng ipasara. Magkakaroon umano ng One Bohol, One Puerto Galera at One Palawan upang mabantayan at mapangalagaan ang mga dinadalaw na ito ng mga turista.
Sinabi naman ni PTAA President Marlene Dado Jante na titiyakin nilang maiwasan ang pagpapasara sa iba pang tourist destinations sa pamamagitan ng pagsunod sa iba't ibang batas pangkalikasan.
Kailangan umanong magkaroon ng konsultasyon ang pamahalaan sa pribadong sektor bago magdesisyon tulad ng ginawa sa Boracay sapagkat makasasama ito sa iba't ibang antas ng industriya.
Naniniwala sina Clemente at Dado na kung nagkaroon ng konsultasyon sa pribadong sektor at hindi nagpadalus-dalos ang pamahalaan sa pagpapasara, naiwasan sana ang matinding dagok sa industriya.
May trabahong naghihintay sa may 4,000 mawawalan ng hanapbuhay sa Boracay sa Metro Manila, Bohol at Palawan. Mag-aalok ang may 600 kasapi ng PTAA ng tigdadalawang trabaho kahit pansamantala lamang sa mga mawawalan ng trabaho.
Higit sa dalawang milyon ang mga turistang dumalaw sa Boracay noong 2017 at nakapag-ambag sa ekonomiya ng higit sa P 56 na bilyon.
Nagkaroon ng 986,920 banyagang turistang dumalaw sa Boracay samantalang umabot naman sa 972,994 na Filipino ang nagbakasyon sa magandang pook. Higit sa 42,000 mga overseas Filipinos ang nakarating sa Boracay noong nakalipas na taon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |