Mula ika-24 hanggang ika-25 ng Abril, 2018, magkahiwalay na nakipagtagpo sa Naypyitaw, Myanmar sina Win Myint, Pangulo ng bansa at Aung San Suu Kyi, State Counsellor at Tagapangulo ng National League for Democracy ng Myanmar kay Song Tao, dumadalaw na Puno ng International Department ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Ipinahayag ni Song na pinahahalagahan ng Tsina ang pagkakaibigan sa Myanmar. Nakahanda aniyang palakasin ng Tsina ang pag-uugnay ng mga patakaran ng pag-unlad ng dalawang bansa, palalimin ang pagpapalitan ng mga partido, at paunlaran ang relasyon ng dalawang panig.
Ipinahayag naman ni Win Myint, na lubos na pinahahalagahan ng pamahalaan ng Myanmar ang relasyon sa Tsina, umaasa aniya siyang pahihigpitin ang pagpapalitan sa mataas na antas, at palalalimin pa ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa.
Samantala, pinasalamatan ni Aung San Suu Kyi ang Tsina sa pagkatig nito sa proseso ng kapayapaan at pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Myanmar. Umaasa aniya siyang pasusulungin ang kooperasyon ng mga malaking proyekto, palalalimin ang pagpapalitan ng mga partido, at pauunlarin ang bilateral na relasyon ng dalawang panig.
salin:Lele