Wuhan — Sa kanyang pakikipagtagpo Biyernes, Abril 27, 2018, kay Punong Ministro Narendra Modi ng India, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na nitong tatlong taong nakalipas, maraming beses silang nagtagpo sa iba't-ibang okasyon, at narating nila ang maraming mahalagang komong palagay. Ipinakikita aniya nito ang malakas na mithiin ng dalawang bansa sa pagpapasulong ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at komong kaunlaran.
Ipinagdiinan ni Pangulong Xi na dapat hawakan ng dalawang bansa ang pangkalahatang kalagayan ng relasyong Sino-Indyano sa estratehikong pananaw upang maigarantiya ang pagsulong ng relasyon ng dalawang bansa sa tumpak na direksyon. Nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Indyano upang maitatag ang mas mahigpit na partnership, at mapasulong ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't-ibang larangan, dagdag niya.
Ipinahayag naman ni Modi na may katuturang historikal ang nasabing di-pormal na pagtatagpo nila ni Pangulong Xi. Aniya, ang pagpapanatili ng madalas na pagpapalagayan sa mataas na lebel ng dalawang bansa, ay nakakatulong sa pagpapalalim ng pag-uunawaan at pagpapasulong ng kooperasyon. Ito aniya ay angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa at buong rehiyon. Nakahanda ang panig Indyano na magsikap para rito, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng