|
||||||||
|
||
Sa pag-uusap sa Jakarta kaninang umaga, Mayo 7 (local time), 2018, nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Pangulong Joko Widodo ng Indonesia, ipinaabot muna ng una ang taos-pusong pagbati ni Pangulong Xi Jinping kay Joko. Ipinahayag ni Premyer Li na bilang mahalagang kapitbansa ng isa't-isa, ang Tsina at Indonesia ay likas na magka-partner na may malawakang komong kapakanan. Aniya, ang maraming beses na matagumpay na pagtatagpo ng mga lider ng dalawang bansa ay nakapagpasulong sa kanilang pagtitiwalaang pulitikal at pragmatikong kooperasyon sa bagong lebel. Ang kasalukuyang taon ay ika-5 anibersaryo ng pagkakatatag ng Tsina at Indonesia ng komprehensibo at estratehikong partnership, at nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Indones para mapasulong pa ang relasyon ng dalawang bansa, aniya pa.
Ipinahayag naman ni Joko ang mainit na pagtanggap sa biyahe ni Premyer Li sa Indonesia. Ito aniya ay nagpapakita ng lubos na pagpapahalaga ng Tsina sa relasyon ng dalawang bansa. Aniya, ang Tsina ay estratehikong partner ng Indonesia, at walang humpay na lumalalim ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, pamumuhunan, at kultura. Nakahanda aniya ang Indonesia na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa ASEAN-China Framework, at ang pakikipagkoordinahan at pakikipagsanggunian sa Tsina sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig tungkol sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapwa nila pinahahalagahan.
Makaraan ang kanilang pag-uusap, magkasamang sumaksi sina Li at Joko sa paglalagda sa mga kaukulang dokumentong pangkooperasyopn ng dalawang bansa.
Pagkatapos nito, magkasamang nakipagkita ang dalawang lider sa mga mamamahayag.
Lubos na pinapurihan ni Premyer Li ang natamong bunga sa nasabing pag-uusap. Ipinahayag niya na buong pagkakaisang ipinalalagay ng dalawang panig na dapat igiit ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, at dapat ding magkasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagang panrehiyon at pandaigdig alinsunod sa pandaigdigang batas at regulasyon. Aniya, bilang kapwang pangunahing ekonomiya sa daigdig, dapat magkasamang magpunyagi ang Tsina at Indonesia upang mapasulong ang proseso ng pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, pangalagaan ang malayang kalakalan at multilateral na sistemang pangkalakalan, at mapasulong ang liberasyon at pagsasaginhawa ng kalakalan at pamumuhunan.
Idinagdag pa ng Premyer Tsino na napakalaki ng potensyal ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at Indonesia. Dapat aniyang patuloy na palakasin ng dalawang bansa ang kanilang pagtitiwalaan para walang humpay na mapasulong ang relasyon nila. Nakahanda ang Tsina na tulungan ang Indonesia sa pagpapabuti ng mga imprastruktura, aniya pa.
Ipinahayag naman ni Joko na naging mabunga ang pag-uusap nila ni Premyer Li. Ipinalalagay aniya ng dalawang panig na ang komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa ay may mahalagang katuturan para sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran sa rehiyon, at buong mundo. Nakahanda ang Indonesia na palakasin ang pakikipagkooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan sa Tsina, dagdag niya.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |