ISANG resolusyon ang inihain ng Gabriela Women's Party na humihiling na siyasatin ang pagkakatanggal sa bantayog sa ala-ala ng mga kababaihang hinalay ng mga kawal na Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Sa House Resolution 1859, hiniling nina Gabriela party list Congresswomen Emmi de Jesus at Arlene Brosas sa House Committee on Foreign Affairs na magsiyasat sa pagkaka-alis ng bantayog sa Roxas Blvd., Maynila.
Sinabi ng mga mambabatas na ang mga alagad ng kasaysayan, mga grupong nagtataguyod ng mga biktima ng panghahalay at mga nagtataguyod ng karapatang pangtao ay nagsasabing ang bantayog ay isang paalala sa kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon hinggil sa pait at sakit na tinamo ng mga naging biktima ng mga nanakop na banyaga.
Isang matandang biktima ang nagsalaysay ng ng kanyang hirap at sakit noong nakalipas na panahon. Ipinarating din niya ang kanyang pagtutol sa pagkakaalis ng bantayog. Sumunod umano si Pangulong Duterte sa kautusan ng pamahalaang Hapones.