|
||||||||
|
||
KAILANGANG magkaroon ng angkop na batas hinggil sa pag-aalis ng mga bantayog sa bansa. Ito ang pahayag nina Professor Michael Charleston Chua ng De La Salle University at Gng. Teresita Ang-See, founding president ng Kaisa Para sa Kaunlaran.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ng dalawang resource persons na mayroong mga angkop na batas na nagpapahintulot ng paglalagay ng mga bantayog sa bansa kaya't hindi basta maaalis ito sa pakiusap ninoman o ng alinmang pamahalan.
Pinatutungkulan nila ang bantayog sa ngalan ng comfort women na pinasiyanayaan noong nakalipas na Biyernes, ikawalo ng Disyembre sa Roxas Blvd. sa Maynila.
Magugunitang lumabas ang mga balitang nais ng pamahalaang Hapones na alisin ang bantayog subalit wala namang nakitang liham na humihiling na tanggalin ang inilaan sa gunita ng mga kababaihang naabuso noong panahon ng hapon.
Nabanggit lamang ito ng isang dumadalaw na panauhin mula sa Japan na ikinagulat at ikinalungkot nila ang pagkakatayo ng bantayog.
OPISYAL NA PAGHINGI NG PAUMANHIN, KAILANGAN. Sinabi ni Gng. Gert Ranjo Líbang (kaliwa) nabukod sa official apology, kailangan din mailagay sa mga aklat ang detalyos ng mga tunay na naganap noong Second World War. Kasama siya sa larawan si Sr. Mary John Mananzan, OSB, kabalikat ng Gabriela at Lila Pilipina sa paghingi ng katarungan sa ngalan ng mga biktima. (Melo M. Acuna)
Samantala, sinabi naman ni Gng. Gert Ranjo Libang, vice chairperson ng Gabriela na hindi hihinto ang kanilang mga pagkilos kasama ang Lila Filipina sa paghingi ng katarungan sa ngalan ng mga naging biktima ng mga kawal na Hapones.
Niliwanag ni Gng. Libang na kailangang humingi ng pormal na paumanhin ang pamahalaang Hapones, ilagay ang tunay na naganap sa Pilipinas noong manakop sila at magbigay ng kabayaran o bayad-pinsala sa mga pagdurusang natamo ng mga kababaihan.
Pabor naman si Sr. Mary John Mananzan, dating chairperson ng Associationof Major Religious Superiors for Women in the Philippines sa panawagan ng Gabriela. Kailangan ding kumilos ang pamahalaang Filipino sa ngalan ng mga mamamayan nito.
Para kay Atty. Dennis Gorecho, isang dating mamamahayag na nakapanayam ang mga biktima ng panghahalay ng mga kawal-Hapones, sinabi niyang maliwanag sa gunita ng mga biktima ang masakit na karanasan nilang nakamtan. Nagtagal lamang silang lumabas sapagkat dala ng kanilang hiya at pagkabahala kung paano sila matatanggap ng kanilang sariling pamilya at ng lipunan.
KABABAIHAN NAG-ALAY NG BULAKLAK. Matapos ang "Tapatan sa Aristocrat," nagtungo sina Gng. Libang, Sr. Mary John at Gng. Teresita Ang-See ng Kaisa Para sa Kaunlaran sa bantayog ng mga comfort women at nag-alay ng panalangin at mga bulaklak. (Melo M. Acuna)
Walang anumang magaganap na masama sa relasyong pang-ekonmiya ng Pilipinas at Japan. Ito ang paniniwala nina G. Jose Antonio Custodio, isang military historian. Sa mga bansang nagkaroon din ng kahalintulad na karanasan, hindi naman natigil ang kalakalan, dagdag pa ni G. Custodio.
Sa impormasyong nagbigay ng tulong ang Japan sa pamamagitan ng Asian Women's Fund, sinabi ni Gng. Libang na kahit pa nag-ambag ang pamahalaang Hapones ng 4.3 bilyong yen sa pondo, pribadong sektor pa rin ang namuno rito.
Ang liham na humihingi ng kapatawaran ay sa personal na kapasidad ng lumiham at 'di mula sa pamahalaan.
Niliwanag naman ni G. Dorian Chua, pangulo ng Tulay Foundation na matagal na nilang inilunsad ang pagtatayo ng bantayog, mula pa noong 2014 at natagalan lamang sa kanilang pagtugon sa mga itinatadhana ng batas. Nagatalan ang pamahalaan ng Maynila sa kanilang pagkilos sapagkat nabimbin ang isyu ng Torre de Manila at ayaw nilang madagdagan ang kontrobersyang kinakaharap.
Wala umano silang layuning panariwain ang mga naghilom nang sugat at nais lamang nilang matuto ang lipunan sa samang idinudulot ng digmaan, dagdag pa ni G. Chua.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |