ISASAILALIM ng Philippine National Police ang higit sa 200 opisyal ng barangay na nasa talaan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa kanilang OPlan Tokhang.
Ayon kay PNP Acting Director for Operations Chief Supt. Ma O Aplasca, hiniling ng PDEA sa Philippine National Police na katukin at pakiusapang sumuko ang may 207 opisyal ng barangay.
Kung hindi umano susuko ang mga ito, magsasagawa ng case build-up operations at magsisimula ng drug operations sa mga kaduda-dudang opisyal na napapaloob sa talaan.
Sinabi naman ni PDEA Director General Aaron Aquino napapaloob sa talaan ang may 90 pinuno ng barangay at may 117 kasapi ng mga konseho sa Bicol, Cordillera Administrative Region at maging sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nakatakdang kasuhan bukas ng PDEA ang mga barangay official sa Ombudsman.