Nagpadala ng liham Huwebes, Mayo 24, si Pangulong Donald Trump ng Amerika kay Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea (DPRK) para kanselahin ang kanilang pagtatagpo na nakatakdang idaos sa kalagitnaan ng Hunyo, sa Singapore.
Sinabi ni Trump na dahil sa matinding poot at hayagang hostilidad na ipinakita kamakailan ng Hilagang Korea, hindi na angkop idaos ang nasabing summit. Ipinahayag din niya ang pag-asang makakapagtagpo sila ni Kim sa hinaharap.
Bilang tugon, ipinahayag ni António Guterres,Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) ang pagkadismaya sa nasabing kapasiyahan ni Trump. Hinimok niya ang lahat ng mga may kinalamang panig na ipagpatuloy ang diyalogo patungong denuclearization ng Korean Peninsula.
Ipinahayag din ang kalungkutan ni Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea (ROK) sa desisyon ni Trump. Umaasa aniya siyang malulutas ang isyung nuklear ng Korean Peninsula sa pamamagitan ng mas direkta at mas mahigpit na diyalogo sa pagitan ng mga lider ng mga may kinalamang panig.
Salin: Jade
Pulido: Mac