NAGTUNGO sa Senado si Solicitor General Jose Calida at nakipag-usap kina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senador Panfilo Lacson.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag, tumanggi si Solicitor General Calida na sagutin ang mga tanong sa conflict of interest sa pagkakakuha ng kontrata ng kanyang pamilya sa pagtatalaga ng security guards sa Luneta at maging sa Paco Park na aabot sa halos P 40 milyon. Sasagutin na lamang umano niya ang mga tanong sa tamang pook at panahon.
Wala raw pakialam ang mga mamamahayag sa kanyang pakay sa Senado. Wala umanong nakakarating sa kanyang panawagang magbitiw.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Sotto na nagtungo si G. Calida sa Senado upang ipagtanong ang panukalang batas hinggil sa Office of the Solicitor General. Hindi raw pinag-usapan ang tungkol sa quo warranto petition na nagpatalsik kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, dagdag pa ni G. Sotto.