SINABI ni Pangulong Rodrigo Duterte na tagumpay ang kanyang pagdalaw sa South Korea, ang ika-apat na pinaka-maunlad na bansa sa rehiyon. Ito ang buod ng kanyang pahayag sa kanyang paglapag sa Ninoy Aquino International Airport kagabi.
Naging makabuluhan at mahalaga ang pagpupulong nila ni Pangulong Moon Jae-In at naging bukas sa mga talakayan sa larangan ng defense and security, trade and investments at maging sa mga pagpapaunlad ng mga pagawaing bayan. Pinag-usapan din nila ang kalagayan ng mga Filipino sa Korea.
Pinuri ni Pangulong Duterte si Pangulong Moon sa pangako nitong palalakasin ang sandigan ng seguridad at katatagan sa rehiyon. Suportado umano niya ang mga adhikaing ito, dagdag pa ni Pangulong Duterte.
Nagkaroon din ng kasunduan sa pagitan ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Korea sa larangan ng science and technology, infrastructure development, renewable energy, trade and economic relations, transportation, agriculture, forestry at communications.
Nagkasundo umano silang magtutulungan sa pangrehiyon at pangdaigdigang pagtitipon, lalo na sa ASEAN upang isulong ang seguridad, katatagan at paggalang sa batas.