|
||||||||
|
||
SINABI ni Chief Supt. William S. Macavinta na napupuna nila ang pagyabong ng cyberpornography sa ilang bahagi ng bansa. Sa idinaos na "Wednesday Roundtable @ Lido," sinabi ni Chief Supt. Macavinta, director ng Women and Children Protection Center ng Philippine National Police na napupuna nila ito sa Tarlac, Pampanga at Nueva Ecija. Kalat din ito sa Cordova, Cebu at maging sa Lungsod ng Taguig. Ikinalulungkot nina Chief Supt. Macavinta na may mga ina na nagsusulong pa sa kanilang mga batang anak na maglantad ng kanilang katawan sa internet.
May pakikipag-ugnayan na rin ang kanilang tanggapan sa iba't ibang pamahalaan kaya't kung may madarakip na may mga pornographic materials sa mga telepono ng mga banyaga, binabalikan nila kung saan nagmumula ang mga ito at natutunton sa Pilipinas. May ugnayan na rin ang Anti-Cybercrime ng Philippine National Police at ang Women and Children Protection Center upang makuha kung saan sa Pilipinas nagmula ang pornographic materials.
Samantala, sinabi naman ni dating Congressman Rafael Mariano na tanging ang kahirapan ang naghahatid sa mapait na kalagayan ng mga pamilyang Filipino. Halimbawa na lamang ang pagkakaroon ng mga kabataang sangkot na sa pagbubukid bagama't walang sahod na tinatanggap sa kanilang mga magulang. Kailangan ang tulong ng mga kabataan upang madali ang trabaho ng mga magulang, dagdag pa ni G. Mariano.
Para naman kay Bb. Arlene Taguba ng International Labour Organization, nababawasan ang bilang ng mga manggagawang kabataan sapagkat mayroong mga programa ang pamahalaan upang manatili ang mga menor de edad sa mga paaralan mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Mahigpit na rin ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas. Inihalimbawa niya ang programa ng pamahalaan upang mabawasan at mapigil na mga paggamit sa mga bata sa minahan tulad ng nagaganap sa Camarines Norte.
Sa panig ni Bb. Rachelle Ballesteros ng DSWD may ginagawa silang imbentaryo ng mga kabataang manggagawa sa tatlong rehiyon ng bansa. Kabilang dito ang Catanauan, Quezon na maraming mga kabataang sangkot na sa malalaking palakaya at maging sa mga tubuhan na kinatatampukan ng mga sacada o seasonal workers. Nagsasawa rin sila ng imbentaryo ng mga kabataang naghahanapbuhay na sa murang edad.
Ayon kay Julius Cainglet ng Federation of Free Workers, kailangan ng pinagsanib na programa at political will upang maibsan na ang child labor sa bansa. Magtutulungan ang iba't ibang sektor upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan at ng kanilang mga pamilya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |