Mula Hunyo 22 hanggang 23, 2018, idinaos sa Beijing ang Working Conference ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) tungkol sa Suliraning Panlabas. Ipinagdiinan sa pulong ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC, Pangulo ng bansa, at Tagapangulo ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng CPC, na dapat igiit ang ideyang diplomatiko ng sosyalismong may katangiang Tsino sa bagong siglo upang makalikha ng bagong kalagayan ng major-country diplomacy na may katangiang Tsino.
Dumalo sa nasabing pulong ang lahat ng pirmihang kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng CPC, at si Pangalawang Pangulong Wang Qishan ng bansa. Naitakda sa pulong ang katayuang pampatnubay ng ideyang diplomatiko ni Xi Jinping.
Tinukoy ni Xi na sa loob ng darating na limang taon, dapat pasulungin ng Tsina ang pag-unlad ng pandaigdigang sistema ng pagsasaayos sa mas pantay at makatuwirang direksyon; dapat igiit ang magkakasamang pagsasanggunian, pagtatatag, at pagtatamasa, para mapasulong ang konstruksyon ng "Belt and Road" Initiative; dapat isaayos ng mainam ang relasyon ng mga malalaking bansa, at pasulungin ang pagtatatag ng matatag at may balanseng pag-unlad na balangkas ng relasyong ito; dapat pabutihin ang mga gawaing diplomatiko sa mga kapitbansa para mapasulong ang mas mapagkaibigan at mabuting karatig na kapaligiran; at dapat palalimin ang pagkakaisa at pakikipagkooperasyon sa mga umuunlad na bansa.
Salin: Li Feng