Ipinahayag Sabado, Hunyo 23, 2018, ni Abbas Araqchi, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Iran, na ipinangako na ng mga kaukulang bansang Europeo at Unyong Europeo (EU) na iharap sa lalong madaling panahon, ang planong naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng Iran sa kasunduang nuklear ng bansang ito. Aniya, kasalukuyang naghihintay ang Iran ng planong ito, at inaasahan nitong mapapatingkad nito ang positibong papel.
Noong Mayo 8, 2018, idineklara ni US President Donald Trump ang pagtalikod ng kanyang bansa sa nasabing kasunduan at muling pagpapasimula ng sangsyon laban sa Iran. Ipinahayag naman ng Iran na pansamantalan itong mananatili sa kasunduang ito upang makipagsanggunian sa ibang mga panig sa kasunduan. Kung di maaaring proteksyunan ang kapakanan ng Iran sa kasunduan, tatalikod ito sa kasunduan, anito pa.
Salin: Li Feng