NADAKIP ng mga tauhan ng PNP Regional Office No. 6 sa ilalim ni Chief Supt. John Bulalacao ang nalalabing bahagi ng Odicta drug syndicate sa pamamagitan ng search warrants kaninang ikalima ng umaga sa Iloilo City.
Ayon sa ulat na nakarating sa Maynila, nadakip sina Noel Odicta, barangay captain ng Tanza-Esperanza sa Iloilo City at kapatid ni Melvin Odicta, isang lider ng sindikato sa droga na napaslang noong 2016.
Nadakip din si Jerry Odicta, kapatid ni Melvin Odicta, isang Abraham Orada, isang retiradong kawal ng Philippine Army na naging security ni Melvin Odicta, at isang Vic Dela Pena, katulong ni Noel Odicta, sa kasong obstruction of justice at sa pagkamatay ng isang Andrew Atlas na umano'y nakipagbarilan sa mga pulis. Nagmula ang search warrants kay Judge Victor Gelvezon, acting executive judge ng 6th Judicial Region sa Iloilo City.
Nasamsam ng mga autoridad ang tatlong kalibre 45 pistola, dalawang kalibre 38 na pawang may mga bala, isang granada at mga magasin na may bala.