Beijing, Tsina—Martes, Hunyo 26, 2018, nakipagtagpo si Wang Qishan, Pangalawang Pangulo ng Tsina, kay Mahn Win Khaing Than, dumadalaw na Ispiker ng Parliamento at Ispiker ng Mataas na Kapulungan ng Myanmar.
Sina Mahn Win Khaing Than (kaliwa), Ispiker ng Parliamento at Ispiker ng Mataas na Kapulungan ng Myanmar, at Wang Qishan (kanan), Pangalawang Pangulo ng Tsina
Sinabi ni Wang na ang pagpapaunlad ng komprehensibo't estratehikong partnership ng Tsina at Myanmar, batay sa pagpapatuloy ng tradisyonal na pagkakaibigan, ay angkop sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Dapat aniyang panatilihin ng kapuwa panig ang tunguhin ng pagpapalitan sa mataas na antas, palakasin ang pag-uugnayan, palalimin ang pag-uunawaan, patibayin ang pagtitiwalaan, pahigpitin ang kooperasyon, at isakatuparan ang mutuwal na kapakinabangan at win-win situation. Kinakatigan aniya ng panig Tsino ang ginawang pagsisikap ng panig ng Myanmar para sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan sa loob ng bansa, at pagsasakatuparan ng kaunlaran ng estado. Dagdag pa ni Wang, nakahanda ang panig Tsino na sa ilalim ng balangkas ng Belt and Road, aktibong pasulungin ang konstruksyon ng koridor na pangkabuhayan ng Tsina at Myanmar, at palakasin ang pragmatikong kooperasyon nila sa mga pangunahing larangang gaya ng agrikultura, patubig, imprastruktura, enerhiya at iba pa.
Pinasalamatan naman ni Mahn Win Khaing Than ang ibinigay na pagkatig ng panig Tsino, at umaasang mapapalakas ang konstruksyon ng koridor na pangkabuhayan ng dalawang bansa at kanilang kooperasyon sa iba't ibang larangan.
Salin: Vera