Hanoi, Biyetnam — Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Sabado, Marso 31, 2018, kay Henry Van Thio, Pangalawang Pangulo ng Myanmar, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ang kahandaan ng Tsina na magsikap kasama ng Myanmar, para mainam na maisakatuparan ang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa at mapasulong ang ibayo pang pagpapalakas ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.
Ani Wang, kinakatigan ng panig Tsino ang pamahalaan ng Myanmar sa pangangalaga sa katatagan, pagpapasigla ng kabuhayan, at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan. Nakahanda rin aniya itong patuloy na magkaloob ng tulong hangga't makakaya, sa Myanmar. Umaasa ang Tsina na maayos na hahawakan ng Myanmar ang isyu sa kahilagaan ng bansa para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa purok-hanggahan ng Tsina at Myanmar, ani Wang.
Pinasalamatan naman ni Henry Van Thio ang pagpapahalaga ng Tsina sa pagpapaunlad ng relasyon sa Myanmar. Nakahanda aniya ang Myanmar na ibayo pang palakasin ang mapagkaibigang kooperasyon ng dalawang bansa, at patuloy at aktibong makilahok sa konstruksyon ng "Belt and Road." Pinasasalamatan aniya ng Myanmar ang ibinibigay na pagkatig ng Tsina sa usaping pangkapayapaan ng bansa. Nakahandang magsikap ang Myanmar, kasama ng Tsina upang magkasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katahimikan sa purok-hanggahan ng dalawang bansa, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng