|
||||||||
|
||
Nay Pyi Taw, Myanmar—Nilagdaan dito Miyerkules, Marso 21, 2018 ng mga pamahalaan ng Tsina at Myanmar ang dokumento ng proyektong Kunlong Bridge ng Shan State. Ito ay palatandaan ng pormal na pagsisimula ng nasabing proyekto sa ilalim ng tulong ng Tsina.
Sa ngalan ng kanilang mga pamahalaan, lumagda sa dokumento sina Hong Liang, Embahador ng Tsina sa Myanmar, at U Han Zaw, Ministro ng Konstruksyon ng Myanmar.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Hong Liang na narating ng mga lider ng dalawang bansa ang mahalagang komong palagay tungkol sa magkasamang pagtatatag ng Belt and Road at economic corridor ng Tsina at Myanmar. Aniya, ang konektibidad ng imprastruktura ng mga tulay at lansangan na gaya ng Kunlong Bridge ay magkakaloob ng matibay na pagkatig para sa konstruksyon ng Belt and Road at nasabing economic corridor. Ito rin aniya ay makakapagpasulong sa pag-unlad ng kabuhayan at kasaganaan ng industriya ng mga rehiyon sa kahabaan nito.
Sinabi naman ni U Han Zaw na ang Kunlong Bridge ay hindi lamang makakapagpasulong sa pag-unlad sa kahilagaan ng Shan State, kundi magsisilbi ring kapansin-pansing milestone sa pagkakaibigan ng Myanmar at Tsina.
Noong dekada 60, tumulong ang Tsina sa pagtatatag ng Kunlong Bridge ng Myanmar. Pero dahil sa mahabang panahon at kawalan ng pagkukumpuni, di na ito angkop sa pangangailangan ng pag-unlad ng kabuhayan sa kahabaan ng Belt and Road. Ayon sa dokumento, tutulungan ng panig Tsino ang panig ng Myanmar na itatag ang bagong Kunlong Bridge at mga lansangan sa magkabilang pampang, at halos 4.2 kilometro ang kabuuang haba nito.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |