Kinatagpo ngayong araw sa Beijing ni Xu Qiliang, Pangalawang Tagapangulo ng Sentral na Komisyong Militar (CMC) ng Tsina si James Mattis, dumadalaw na Kalihim ng Tanggulang-bansa ng Estados Unidos.
Ipinagdiinan ni Xu na pinatunayan ng kasaysayan nitong 40 taong nakalipas sapul nang itatag ng Tsina at Amerika ang relasyong diplomatiko, na ang pagtutulungan ay nakakabuti sa kapuwa panig samantalang ang paglalaban ay nakakapinsala. Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapalakas ng dalawang panig ang pagtitiwalaan, mapapalalim ang pagtutulungan, maayos na mahahawakan ang pagkakaiba at panganib para mapasulong ang relasyong militar. Sa gayon, ang relasyon ng dalawang hukbo ay magsisilbing lakas na tagapagtatag ng panlahat na relasyong Sino-Amerikano, dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Mattis na sa kasaysayan ng relasyong Sino-Amerikano, pangunahing tunguhin ang pagtutulungan. Napakahalaga aniya ng relasyong militar sa relasyon ng dalawang bansa. Ipinahayag din ni Mattis ang kompiyansang maitatag, kasama ng panig Tsino ang konstruktibong relasyong militar ng Tsina't Amerika.
Salin: Jade
Pulido: Rhio