|
||||||||
|
||
Nag-usap ngayong araw, Miyerkules, ika-27 ng Hunyo 2018, sa Beijing, sina Wei Fenghe, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, at James Mattis, Kalihim ng Depensa ng Amerika.
Sinabi ni Wei, na sa pamumuno ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) na ang nukleo ay si Xi Jinping, nagsisikap ngayon ang partido, tropa, at mga mamamayan ng Tsina, para isakatuparan ang mga target na nakatakdang noong ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC.
Ani Wei, iginigiit ng Tsina ang mapayapang pag-unlad, at buong tatag na ipinagtatanggol ng tropang Tsino ang soberanya, seguridad, at interes sa pag-unlad ng bansa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan sa di-pagsasagupaan at di-konprontasyon ng Tsina at Amerika.
Ipinahayag ni Wei, na dapat dagdagdan ng mga tropa ng Tsina at Amerika ang pagtitiwalaan, palakasin ang pagtutulungan, at kontrolin ang mga panganib, para ang relasyon nila ay maging matatag na elemento sa relasyong Sino-Amerikano. Inilahad din niya ang paninindigan ng panig Tsino sa isyu ng Taiwan, isyu ng South China Sea, isyung nuklear ng Korean Peninsula, at iba pa.
Sinabi naman ni Mattis, na ang pag-unlad ng Tsina ay makakabuti sa Amerika at daigdig, at dapat maging maharmonya ang pakikitungo ng dalawang bansa sa isa't isa. Pinahahalagahan aniya ng panig Amerikano ang relasyon ng mga tropa ng dalawang bansa, at nakahanda ito, kasama ng Tsina, na pabutihin ang mekanismo ng pag-uugnayan, pasulungin ang bukas na diyalogo, at palakasin ang pangangasiwa sa mga panganib. Ipinahayag din ni Mattis ang pananalig, na pasusulungin ng Amerika at Tsina ang kapayapaan at kaunlaran ng daigdig, sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |