Biyernes, Hulyo 6, 2018, pormal na nagkabisa ang kapasiyahan ng Estados Unidos tungkol sa pagdaragdag ng taripa sa mga panindang iniluluwas ng Tsina sa Amerika na nagkakahalaga ng 34 bilyong dolyares. Handang handa na ang Tsina upang gumanti, sa pamamagitan ng mga komprehensibong hakbangin.
Ayaw ng Tsina na sumali sa trade war, at ayaw rin nitong maunang maglunsad ng ganitong digmaan, dahil alam nitong walang mananalo sa trade war. Kung magsisimula ang trade war ng Tsina at Amerika, matindi ang pinsalang dulot nito sa interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa, maging ng buong daigdig. Pero hindi ganito ang iniisip ng tatlong Amerikano. Sa puso nila, ang pangangalaga sa lubusang hegemonistikong katayuan ng Amerika, pagsasakatuparan ng sariling super-kapangyarian, at paghahanap ng kapakanang indibiduwal ay mas mahalaga kaysa pagtutol ng mga bahay-kalakal at mamamayang Amerikano, at kapakanan at kabiyayaan ng mga mamamayan ng buong mundo.
Sapul nang manungkulan si Donald Trump bilang Pangulong Amerikano, walang hinto ang mga labanan ng gabinete, at magulo ang mga patakaran. Sa kasalukuyan, sa isyu ng kalakalan sa Tsina, inilulunsad ng matigas na paksyong binubuo nina Trump, Trade Representative Robert Lighthizer at Director Peter Navarro ng National Trade Council ang trade war sa mga trade partner ng Amerika, sa pamamagitan ng pagdaragdag ng taripa. Ang Tsina ay isa sa mga pangunahing target nila.
Bilang tagasunod ng populism at proteksyonismo, nagtitiwala ang naturang matigas na paksyon sa White House sa zero-sum game, pero kaunti lang ang alam nila sa Tsina at mayroon silang pagkiling sa Tsina, bagay na humantong sa sarili nilang depekto: walang karanasan si Trump sa paglulunsad ng trade war, at gusto niyang talunin ang Tsina sa pamamagitan ng panlilinlang sa negosyo at "maximum pressure." Lipas na sa moda naman ang mga karanasan at paraan ni Lighthizer. Ipinalalagay ng mga pangunahing media at dalubhasa na limitado ang alam ni Navarro sa dahilan ng trade deficit ng Tsina at Amerika, kaya nananatiling teorya lang ang kanyang umano'y "pagsalakay ng kabuhayang Tsino." Ayon sa komento ng magasing "New Yorker," "labis na simple, mali at mapanganib" ang pananaw ni Navarro.
Ang Hulyo 4 ay Araw ng Kalayaan ng Amerika. Sa kabila nito, pagkaraan ng mahigit 200 taong pag-unlad, ang patakaran sa malayang kalakalan at bukas na lipunan na iginigiit ng Amerika ay ganap na ibinagsak ng pamahalaan ni Trump. Walang humpay na dumadako ang kasalukuyang Amerika sa isolation at saradong lipunan. Sinabi ng mga tao na ito ay simula ng resesyon ng Amerika. Sino ang may kagagawan?
Salin: Vera