Biyernes, Hulyo 6, 2018, sinimulang ipataw ng Amerika ang 25% additional tariff sa mga panindang Tsino na nagkakahalaga ng 34 bilyong dolyares. Ipinahayag nang araw ring iyon ng tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na lumalabag ang Amerika sa regulasyon ng kalakalang pandaigdig, at naglunsad ng pinakamalawakang trade war sa kasaysayang pangkabuhayan. Ang ganitong aksyon ng pagpapataw ng taripa ay klasikal na trade hegemonism. Malubhang nakakapinsala ito sa kaligtasan ng industry chain at value chain ng buong mundo, humahadlang sa hakbang ng pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, at nagbubunga ng kaligaligan sa pamilihang pandaigdig. Makakaapekto rin ito sa mga inosenteng transnasyonal na kompanya, bahay-kalakal at karaniwang mamimili sa daigdig, at makakapinsala rin sa kapakanan ng mga bahay-kalakal at mamamayang Amerikano.
Ipinahayag pa ng nasabing tagapagsalita na nangako ang panig Tsino na hindi mauunang maglunsad ng trade war, pero sapilitan itong gumanti para mapangalagaan ang nukleong interes ng bansa at kapakanan ng mga mamamayan. Napapanahon aniyang ipapaalam ng panig Tsino sa World Trade Organization (WTO) ang kaukulang kalagayan, at pangangalagaan, kasama ng iba't ibang bansa sa daigdig ang malayang kalakalan at multilateral na sistema.
Inulit din ng panig Tsino na buong tatag na palalalimin ang reporma, palalawakin ang pagbubukas, pangangalagaan ang diwa ng mga mangangalakal, palalakasin ang pangangalaga sa karapatan sa pagmamay-ari, at lilikhain ang mainam na kapaligiran ng negosyo para sa mga dayuhang bahay-kalakal sa Tsina.
Salin: Vera