LUMABAS sa isang news report na may 31 mga nagbitiw o napatalsik sa likod ng mga akusasyon ng katiwalian. Kabilang dito sina Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo, Mike Sueno ng Interior and Local Government, Rodolfo Salalima ng Information and Communication Technology, dating PhilHealth President Jude dela Serna at Tourism Promotions Board chief Cesar Montano.
Dadalawa lamang ang may kaso, sina dating Deputy Immigration Commissioners Al Argosino at Michael Robles. May kaso silang plunder sa limampung milyong pisong kinikil mula sa gambling tycoon na si Jack Lam. May 11 sa kanila ang nabigyan ng bagong puesto.
Sila ay sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, dating Customs officials Gerardo Gambala at Milo Maestrecampo na umalis sa puesto dahil sa pagkakapuslit ng P 6.4 bilyong shabu noong Mayo ng 2017.
Ang tatlo ay may mga bagong trabaho na. Si Faeldon ay nahirang na deputy administrator ng Office of Civil Defense.
Ang dating Urban Poor Commissioner Melissa Avancena Aradanas na pinatalsik ay nahirang na deputy secretary-general ng Housing and Urban Development Coordinating Council. Si Aradanas ay pinsan ng kinakasama ni Pangulong Duterte na si Honeylet Avancena.