SINABI ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaking bagay ang dalawang kaloob na tulay ng Tsinan a nagkakahalaga ng halos lima't kalahating bilyong piso sapagkat magsusulong ito ng ekonomiya at kaunlaran.
Sa kanyang talumpati sa groundbreaking rites sa Plaza Maestranza sa Intramuros, Maynila kanina, idinagdag ni Pangulong Duterte na makatutulong din ito sa pagpapalawak ng mga lansangan upang makatugon sa anumang emergensya.
Nagpasalamat si G. Duterte sa Tsinan a nakibalikat sa layunin ng Pilipinas na mapabilis ang daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila. Inutusan niya ang Department of Public Works and Highways na tapusin ang proyekto sa loob ng 30 buwan. Bibigyang halaga ang mga proyekto sa pagawaing-bayan na tutulong sa connectivity at mobility sa buong bansa.
Idinagdag pa ni Pangulong Duterte na nagtungo na rin siya sa Tsina at nakausap si Pangulong Xi Jinping at napag-usapan ang pagkakaibigan ng dalawang bansa kasabay na rin ang pagtutulungan. Niliwanag niyang sa mga pag-uusap na ito, walang hiniling ang Tsina ni isang metro kuwadrado sa nasasakupan ng Pilipinas.
Kahit pa nagkaroon ng kakaibang desisyon ang arbitral tribunal, pinagtuunan nila ng pansin ang mga isyung mapagkakasunduan. Pag-uusapan din ang hangganan at hinahabol na bahagi ng karagatan sa mga susunod na panahon.