Abu Dhabi — Nag-usap Biyernes, Hulyo 20, 2018, sina Xi Jinping, dumadalaw na Pangulo ng Tsina, Muhammed bin Rashid al Maktoum, Pangalawang Pangulo at Punong Ministro ng United Arab Emirates (UAE), at Sheikh Mohammed bin Zayed Al Nahyan,Crown Prince ng Abu Dhabi. Buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na itatag ang komprehensibo't estratehikong partnership ng Tsina at UAE, at palakasin ang kanilang kooperasyon sa iba't-ibang larangan upang mapasulong pa ang relasyon ng dalawang bansa sa mas mataas na lebel at mas malawak na larangan.
Ipinahayag ni Pangulong Xi na dapat patibayin ng Tsina at UAE ang kanilang pagtitiwalaang pulitikal, patuloy na igalang ang nukleong kapakanan at malalaking pagkabahala ng isa't-isa, at katigan ang pagtahak ng isa't-isa sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayang pang-estado. Aniya, ang Tsina at UAE ay likas na katuwang sa magkasamang pagtatayo ng "Belt and Road," at itinuturing ng Tsina ang UAE bilang mahalagang sandigang bansa sa konstruksyon ng "Belt and Road."
Ipinahayag naman ng Pangalawang Pangulo at PM ng UAE na lubos na pinapurihan ng kanyang bansa ang modelo ng pag-unlad ng Tsina at natamong napakalaking tagumpay. Nakahanda aniya ang UAE na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa mas malawakang larangan.
Ipinahayag ng Crown Prince ng Abu Dhabi ang lubos na papuri sa ideya ni Xi sa pangangasiwa sa bansa. Nananalig aniya siyang may magandang kinabukasan ang Tsina, at tiyak na makakapagbigay ang Tsina ng mas malaking ambag para sa kapayapaang pandaigdig at progreso ng sangkatauhan.
Salin: Li Feng