Nag-usap kahapon, Sabado, ika-21 ng Hulyo 2018, sa Dakar, Senegal, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Pangulong Macky Sall ng naturang bansa.
Binigyan ng mga lider ng mataas na pagtasa ang malaking pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa nitong ilang taong nakalipas. Sinang-ayunan nilang patuloy at magkasamang pasulungin ang bilateral na kooperasyon sa iba't ibang aspekto, para magbukas ng mas magandang kinabukasan sa relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi ni Xi, na sapul nang itatag ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership noong 2016, mabilis ang pag-unlad ng relasyon at kooperasyon ng Tsina at Senegal. Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapataas ang lebel ng kooperasyon ng dalawang bansa, sa ilalim ng Belt and Road Initiative, at mekanismo ng kooperasyong Sino-Aprikano. Ipinahayag din ni Xi ang paanyaya sa pangulong Senegalese para dumalo sa Beijing Summit ng Porum sa Kooperasyong Sino-Aprikano, na idaraos sa darating na Setyembre ng taong ito.
Ipinahayag naman ni Sall ang kasiyahan sa kasalukuyang relasyon ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Senegal na aktibong lumahok sa Belt and Road Initiative. Hinahangaan din niya ang ambag ng Tsina sa kapayapaan at kaunlaran ng Aprika.
Pagkaraan ng pag-uusap, ginawaran ni Sall si Xi ng Grand Cross of National Order of the Lion, pinakamataas na medalya ng karangalan ng Senegal.
Salin: Liu Kai