NANINIWALA si dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na nararapat matapos ang mga paglilitis sa sinasabing pork barrel scam mastermind na si Janet Lim Napoles bago siya madala sa Estados Unidos sa ilalim ng extradition.
Ito ang sinabi ng dating pangulo sa isang panayam sa telebisyon kanina. Magugunitang sinabi ng US Federal Grand jury na nararapat managot sina Napoles, ang kanyang mga anak na sina Jo Christine, James Christopher at Keane Catherine, kapatid na si Reynald Luy Lim at asawa nitong si Ana Marie, sa kasong pagsasabwatang gumawa ng money laundering, domestic money laundering at international money laundering. Nagsabwatan umano ang mga akusado ng money laundering na nagkakahalaga ng US$ 20 milyon na pera ng pamahalaan papasok at papalabas sa Estados Unidos sa pamamagitan ng ilang taong panunuhol at iba pang katiwalian.
Pinakialaman umano nina Napoles at ng may 20 mambabatas at opisyal ng pamahalaan sa Pilipinas ang milyon-milyong dolyar sa Priority Development Assistance Fund at ipinadala ang salaping nakulimbat na US$ 20 milyon sa America at nakapamili ng ari-arian at mamahaling mga sasakyan. Hindi binanggit ang mga pangalan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Makikipagtulungan umano ang isang abogadong Americano sa mga abogadong Filipino upang madala ang mga may usapin pabalik sa America.
Ani Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi madalala si Napoles sa America hanggang hindi natatapos ang usapin sa Pilipinas. Sa pangyayari sa Estados Unidos, lumakas ang kasong plunder at graft laban kay Napoles sa Sandiganbayan.