Sa pangangatwirang pambansang seguridad, ipinagbawal kamakailan ng pamahalaan ng Australia ang pakikilahok ng Huawei, kompanya ng telekomunikasyon ng Tsina sa konstruksyon ng 5G Network sa nasabing bansa. Walang batayan ang nasabing pangangatwiran ng Australia, sa mga sumusunod na aspekto.
Una, sa aspektong pangkooperasyon, bilang pinakamalaking pandaigdig na supplier ng telecom equipment, naitatag ng Huawei ang partnership sa 45 sa 50 pangunahing telecom operator ng daigdig. Sumasaklaw sa 170 bansa ang negosyo ng Huawei at naglilingkod ito sa mahigit 1/3 ng populasyon ng daigdig. Kung makakaapekto ang mga produkto ng Huawei sa seguridad ng nasabing mga bansa, hindi makikipagtulungan sa Huawei ang mga dayuhang telecom operator. Bukod dito, sa totoo lang, labinlimang (15) taon na ginagamit ng mga telecom operator ng Australia ang mga paninda ng Huawei, at sa panahong iyon, walang tinanggap na reklamo o pagdududa ang Huawei mula sa pamahalaan ng Australia.
Ikalawa, kaugnay ng aspektong panteknolohiya, ang Huawei ay nagsisilbing pinakamalaking 4G Internet technology provider ng Australia. Sa kasalukuyan, nangunguna sa daigdig ang Huawei pagdating sa pagmaymay-ari ng patenteng may kinalaman sa 5G. Maraming bansang Kanluranin na gaya ng Britanya, New Zealand at Kanada ang tumanggap ng operasyon ng Huawei na nagdebelop ng teknolohiyang 5G batay sa 4G. Mahirap na maintindihan kung bakit tinanggihan ng pamahalaan ng Australia ang teknolohiyang 5G ng Huawei.
Ikatlo, tungkol naman sa aspektong industriyal, sa lumalalim na globalisasyon, may katulad na pandaigdig na supply chain at production line ang Huawei, Nokia, Ericsson, Apple at iba pa. Lahat ng mga ito ay nilalahukan ng mga bahay-kalakal na Tsino. Ibig sabihin, kung pipili ang pamahalaan ng Australia ng ibang 5G provider, sa halip na Huawei, hindi maaaring mawala ang "Made in China" sa mga may kinalamang kagamitan at serbisyo.
Masasabing may dahilang pampulitika ang pagtanggi ng pamahalaan ng Australia sa Huawei. Ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking trade partner ng Australia samantalang ang Estados Unidos ay nagsisilbing pangunahing kaalyadong militar ng Australia. Kaya, kailangang magbalanse ang Australia sa pagitan ng nasabing dalawang bansa. Ayon sa Fiscal Year 2019 National Defense Authorization Act (NDAA) na inaprubahan kamakailan ng Kongreso ng Amerika, bawal gamitin ng mga departamento ng pamahalaang Amerikano at mga dayuhang entidad na may negosyo sa pamahalaang Amerikano ang mga produkto ng Huawei at ZTE, dalawang kompanya ng telekomunikasyon ng Tsina. Bunsod nito, tinanggihan ang Huawei ng pamahalaan ng Australia. Sa totoo lang, ang ginawa ng pamahalaang Australiyano ay labag sa mga kasunduan sa pamumuhunan at malayang kalakalan na nilagdaan nito kasama ng Tsina noong 1988 at 2015 ayon sa pagkakasunod. Nakakapinsala ito sa interes ng mga mamamayan ng Australia dahil nakahandang pataasin ng mga telecom service provider ng bansa ang presyo ng kanilang mga serbisyo.
Salin: Jade
Pulido: Rhio