Nakatakdang idaos sa Beijing bukas, Lunes, Setyembre 3, 2018 ang dalawang-araw na 2018 Beijing Summit ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC).
Sa magkakahiwalay na okasyon Sabado at Linggo, Setyembre 1 at 2, nakipagtagpo si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa mga lider Aprikano na lalahok sa gaganaping porum.
Kabilang sa mga panauhing dayuhan ay Pangulong Azali Assoumani ng Comoros, Pangulong Ali-Ben Bongo Ondimba ng Gabon; Pangulong Edgar Lungu ng Zambia, Pangulong Filipe Nyusi ng Mozambique, Pangulong Omar al-Bashir ng Sudan, Pangulong Teodoro Obiang Nguema Mbasogo ng Equatorial Guinea, Pangulong Hage Geingob ng Namibia, Punong Ministro Pravind Jugnauth ng Mauritius, Pangulong Macky Sall ng Senegal at iba pa.
Sa kanilang pagtatagpo, pinag-usapan ng pangulong Tsino at mga lider Aprikano hinggil sa relasyong bilateral at relasyong Sino-Aprikano, mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan. Ipinahayag din nila ang kahandaan ng magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI) para sa komong kasaganaan.
Tumayong-saksi rin sila sa paglagda ng mga dokumentong pangkooperasyon.
Salin: Jade